Go Back
#batas sa salary deduction #legal ba ang kaltas sa sweldo #karapatan ng empleyado sa sahod #Philhealth #tax #CBA
Pwede ba talagang kaltasan ang sweldo?
May 21, 2025

Alam nating lahat: ang sahod ay bunga ng ating sipag at tiyaga sa trabaho. Kaya naman sadyang nakakainis kapag ito'y basta-basta na lang kinakaltasan. Pero alam mo ba na hindi lahat ng kaltas sa sweldo ay bawal? Meron ding mga deduction na legal at pinapayagan ng batas.

Basahin mo ‘to para malaman kung alin ang pwede at hindi pwedeng kaltas sa sahod mo—para next time, hindi ka na magugulat pag kulang ang take-home pay mo!


🔴 Una sa lahat: Bawal Basta-Basta ang Pagkaltas!

Ayon sa Labor Code ng Pilipinas, hindi pwedeng pakialaman ng employer ang sahod mo ng basta-basta. Ibig sabihin:

  • Bawal kang pilitin na bumili ng produkto o serbisyo mula sa employer mo o sa kakilala nila.

  • Bawal kang takutin, pilitin, o dayain para isuko ang kahit anong bahagi ng sweldo mo.

  • Bawal ding bawasan ang sahod kapalit ng pangakong employment o para lang manatili ka sa trabaho.

  • At higit sa lahat—kung nagreklamo ka tungkol dito, bawal kang tanggalin, pag-initan, o i-discriminate.

Dagdag pa dito, ayon sa Civil Code, hindi rin pwedeng ipasubasta o ikulong ang sahod mo para pambayad ng utang—maliban na lang kung ang utang mo ay para sa pagkain, tirahan, damit, o pagpapagamot sa iyo.


Mga Legal na Kaltas sa Sahod

Hindi lahat ng kaltas ay bawal. May mga pagkakataon na pinapayagan ito ng batas:

1. Insurance Premium

Kung ininsure ka ng employer mo at pumayag ka naman, pwede nilang kaltasan ang halaga ng premium sa sahod mo.

2. Union Dues

Kung miyembro ka ng union at may written authorization ka, legal ang kaltas para sa union dues.

3. Mga Kaltas na Pinapayagan ng Batas o ng DOLE

Kasama na dito ang mga sumusunod:

  • SSS (RA 8282)

  • Pag-IBIG (PD 1752)

  • PhilHealth (RA 7875)

  • Withholding Tax (ayon sa NIRC)

4. Mga Nasirang Gamit ng Kumpanya

Kung ikaw ay nagtatrabaho sa isang business na may kasanayang ganyan, at ikaw ang nakasira ng gamit o kagamitan, pwede kang kaltasan—pero kailangan malinaw ang patakaran dito.

5. Agency Fee (CBA Benefits)

Kahit hindi ka miyembro ng union pero nakikinabang ka sa mga benepisyo mula sa Collective Bargaining Agreement (CBA), pwede ka ring kaltasan para sa agency fee.

6. May Pahintulot si Employee

Pwede rin ang deduction kung:

  • May written authorization ka

  • At wala namang nakukuhang personal na benepisyo ang employer sa transaksyon

7. Pagkain at Pabahay (Facilities)

Kung libre kang pinapakain o pinapatira ng employer mo at pumayag kang bayaran ‘yon, pwedeng ibawas ang halaga sa sahod mo—basta reasonable at may malinaw na kasunduan.

8. Utang sa Employer o Desisyong Galing sa Korte

Kung may utang ka sa employer mo at may court order para kaltasan ang sahod mo, pwede rin ito—lalo na kung ang utang mo ay para sa mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain o gamot.

9. Cooperative Contributions

Kung miyembro ka ng cooperative at pumayag kang kaltasan para sa contributions mo, ito ay pinapayagan din sa ilalim ng Republic Act 6938 o ang Cooperative Code of the Philippines.


💡 Ano’ng Dapat Mong Tandaan?

  • Hindi lahat ng kaltas ay legal.

  • Dapat may malinaw kang pahintulot o may batayan sa batas.

  • Kung tingin mong may maling kaltas sa sahod mo, pwede kang dumulog sa DOLE o National Labor Relations Commission (NLRC).

    🌐 Website: https://arms.dole.gov.ph



Author: Atty. Pauline Licaycay





No comments yet, be the first to give your feedback!