Go Back
#legal na paraan ng paniningil #karapatan ng nangungutang #BP 22
💸 May Utang Ka o May Nangutang sa ’Yo?
May 21, 2025

Maraming Pilipino ang dumadaan sa hirap ng paniningil o pagbabayad ng utang. Pero alam mo ba na may mga batas na pwedeng pumrotekta sayo? Heto ang buod ng mga karapatan mo at kung paano iwasan ang harassment, labis na interes, o pagkakakulong.


⚖️ 1. Puwede Ba Akong Makulong Dahil sa Utang?

HINDI KA PWEDENG MAKULONG DAHIL LANG SA UTANG.
Ayon sa Article III ng 1987 Constitution:

“No person shall be imprisoned for debt or non-payment of a poll tax.”

Kung kaya’t kahit may utang ka sa credit card, online lending app, o kaibigan—hindi ka puwedeng ikulong kung ang pagkakautang mo ay walang kasamang panloloko.

EXCEPTION:

Puwede kang makulong kung:

  • Gumamit ka ng panloloko (fraud o deceit) sa pag-utang → Estafa

  • Nag-issue ka ng tseke na tumalbog (bouncing check) → May parusa sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 22
     ⚠️ Hindi ka nakakulong dahil may utang, kundi dahil naglabas ka ng walang silbing tseke.


📣 2. Ano ang Gagawin Kung May Nangungulit o Nangha-harass Dahil sa Utang?

Bawal ang harassment. Hindi ibig sabihin na may utang ka, pwede ka nang bastusin o ipahiya.

🚫 Bawal ang:

  • Pananakot, pagmumura, o pagbabanta

  • Pag-post sa social media tungkol sa utang mo

  • Pagtawag sa gabi (10:00PM–6:00AM)

  • Pagpakilala bilang abogado o pulis kahit hindi totoo

  • Pagcontact sa pamilya, kaibigan, o katrabaho mo tungkol sa iyong utang

  • Panggigipit para mag-isyu ka ng post-dated check

Puwede kang magsumbong sa:


💼 3. Kung Ayaw Ka Nang Bayaran ng Nangutang sayo, Ano ang Gagawin?

OPTION 1: Small Claims Case

Kung ang utang ay mas maliit sa ₱1,000,000

👉 Puwede kang mag-file ng small claims case sa MTC (MeTC kung nasa NCR). Hindi kailangan ng abogado!

🧾 Halimbawa ng Small Claims:

  • Utang ng kaibigan o kamag-anak

  • Di nabayarang renta o serbisyo

  • Refund na hindi ibinalik

  • Amicable settlement (sa barangay) na hindi sinunod

⏱️ Mabilis: Dapat magdesisyon ang korte sa loob ng 30 na araw!

OPTION 2: Collection Case

Kung mas mataas sa limit ng small claims (more than ₱1M), mag-file ng ordinary collection suit sa korte (kailangan na ng abodago).

OPTION 3: Criminal Case (BP 22)

Kung may bouncing check, pwede mong kasuhan ang nangutang sa ilalim ng BP 22.
⚠️ Kahit maliit ang halaga ng tseke, pwede pa rin silang makulong.


💡 4. Puwede Bang Maningil ng Interest ang Nagpautang?

Oo, pero may kondisyon.

🔒 Kung may kasulatan (in writing):

  • Pwede ang kahit anong interest rate (within reason).

📜 Kung walang kasulatan:

  • Hindi pwedeng maningil ng interest, kahit usapan lang.

📅 Kung may delay sa bayad:

  • May karapatan ang nagpautang na maningil ng legal interest na 6% kada taon ayon sa Monetary Board Circular No. 799.

⚠️ Labis na interest (ex. 20% pataas kada buwan) ay maaaring ideklarang "unconscionable" o labis ng korte at bawasan o ipawalang-bisa ng korte.


5. Kailan Ka Masasabing "Delayed" o "In Default"?

Default = May utang ka + Hiningan ka na ng bayad.

Hindi sapat na due date lang ang lumipas—dapat may demand (paniningil) mula sa creditor (oral o written).
Mas mainam kung written demand para may pruweba.

🤝 Kung reciprocal ang obligation (ex. palitan ng produkto/serbisyo), hindi pa default ang isa hangga’t di tumutupad ang kabila.


🛡️ 6. Tips Para Protektado Ka—Kahit May Utang o May Sisingilin Ka

Kung Ikaw ang May Utang:

  • Alamin ang tamang interest: 6% legal interest kada taon kung walang kasulatan.

  • Iwasan ang loan sharks o lending apps na hindi rehistrado sa SEC.

  • Document your payments at makipag-ayos agad kung di makabayad.

  • I-report ang harassment.

Kung Ikaw ang Nagpautang:

  • Gumawa ng kasulatan (promissory note) kapag nagpapautang.

  • Magpadala ng demand letter kung hindi binayaran.

  • Kung ayaw pa rin: Mag-file ng Small Claims Case o ordinary case, depende sa halaga.


🧠 Summary

UTANG ≠ KULONG — Hangga’t walang panloloko, hindi ka puwedeng ikulong dahil lang sa utang.
MAY KARAPATAN KA — Kahit may atraso ka, hindi ka dapat bastusin o gipitin.
KUMILOS NG AYON SA BATAS — Kung nagpapautang ka, siguraduhing may dokumento at iwas sa panggigipit.
GAMITIN ANG KORTE — Small claims ay simple, mabilis, at mura.



Author: Atty. Pauline Licaycay





No comments yet, be the first to give your feedback!