Go Back
#ARTA #paano magreklamo sa government o #online payment
10 Karaniwang Problema sa Serbisyong Pampamahalaan sa Pilipinas (At Anong Pwede Mong Gawin!)
May 21, 2025

Alam mo na siguro 'yung feeling: pupunta ka sa isang ahensya ng gobyerno para kumuha ng dokumento, pero uuwi kang pagod, inis, at bitin. Mahaba ang pila, ang bagal ng proseso, at parang walang nag-aasikaso nang maayos. Pero teka, may magagawa tayo para di lang puro reklamo ang ending! Eto ang mga pinaka-karaniwang problema at mga simpleng solusyon na pwedeng subukan.


1. Mabagal at Paikot-ikot na Proseso

LTO, PSA, DFA, SSS, NBI — pamilyar ba? Sa haba ng pila at tagal ng proseso, parang buong araw mo na ang nasayang.

Tips:

  • Magpa-appointment online kung kaya, o maagang pumila para hindi abutin ng lunch break.

  • Bago pa pumunta, silipin ang Citizen’s Charter ng ahensya — dito mo makikita ang kumpletong listahan ng kailangan mong dalhin at hakbang na dadaanan.

  • Kung may hinihingi silang sobra sa nakalagay sa Citizen’s Charter, pwede kang magsumbong sa ARTA (Anti-Red Tape Authority):

💡 Alam mo ba? Bawal humingi ng dagdag na requirements o bayad na hindi nakasaad sa Citizen’s Charter. Nasa batas ‘yan — R.A. 11032 (Ease of Doing Business) Sec. 13 (c): Ipinagbabawal ang dagdag na singil na hindi nakasaad sa Citizen’s Charter.


2. Katiwalian at Fixers

Yung iba, “padulas” daw para mapabilis. Pero ang totoo, ito ang nagpapabagal at nagpapagulo sa sistema.

Tips:

  • Huwag makipagtransaksyon sa fixers. Bukod sa ilegal, baka peke pa ang ibigay sa’yo.

  • Kung may empleyadong nanghihingi ng lagay o suhol, pwede mo silang ireklamo sa ARTA o sa Ombudsman.

📌 Reminder: Ayon sa batas, bawal na bawal ang lagayan at fixer system. May kulong ‘yan!

Ayon sa Revised Penal Code, Art. 210: Direct Bribery - pagkakakulong ng 6 months to 12 years.


3. Walang Linaw na Proseso at Bayarin

Minsan parang hide and seek ang impormasyon — iba-iba ang sinasabi, o walang malinaw na paliwanag kung bakit delayed.

Tips:

  • I-check muna ang official website o Facebook page ng ahensya para sa pinaka-updated na info.

  • Kung hindi ka satisfied sa serbisyo, i-report agad sa ARTA. May karapatan kang malaman kung nasaan na ang application mo.


4. Hindi Maayos ang Customer Service

May mga empleyado na masungit, walang alam sa proseso, o iba-iba ang sagot sa parehong tanong.

Tips:

  • Maging mahinahon pero matatag. Kung may rude o walang kwentang serbisyo, i-report agad sa grievance desk ng ahensya o sa ARTA.

📌 Reminder: Ayon sa batas ipinagbabawal ang pagrereject ng application na hindi nagbibigay ng nakasulat na dahilan.


5. Kulang at Palpak na Online Services

Gusto mong mag-online para iwas pila, pero laging error ang website o ‘di gumagana ang system.

Tips:

  • Subukang mag-transact sa gabi o madaling-araw para iwas traffic sa site.

  • I-report ang tech issues sa DICT (Department of Information Communications Technology): dict.gov.ph/contact-us


6. Iba-Iba ang Patakaran Depende sa Opisina

Nakakalito! Sa branch A, ganito. Sa branch B, iba naman. May mga biglaang pagbabago pa na wala man lang abiso.

Tips:

  • I-email ang head office ng ahensya para klaruhin ang official na patakaran.

  • Alalahanin: Kung hindi nakalagay sa Citizen’s Charter, hindi puwedeng basta-basta baguhin ang proseso.


7. Reklamo sa Ahensya na Walang Tugon

Nagreklamo ka na sa ARTA, pero parang wala namang nangyari.

Tips:

  • Huwag sumuko! Ulit-ulitin ang follow-up sa ARTA — sila talaga ang dapat umaasikaso ng reklamo sa mga ahensya ng gobyerno.


8. Kulang na Staff

May pila, pero konti lang ang nag-aasikaso. O kaya naman, may counter pero walang tao.

Tips:

  • Subukang pumunta sa opisina sa hindi masyadong mataong oras.

  • Kung na-delay ang proseso mo nang walang sapat na dahilan, puwede mo pa rin itong i-report sa ARTA.


9. Mahirap para sa mga Taga-Probinsya

Ang hirap kumuha ng dokumento kung kailangan mo pang bumiyahe ng ilang oras papunta sa pinakamalapit na opisina ng gobyerno.

Tips:

  • I-email ang central office ng ahensya at i-request na maglagay ng satellite office o mobile service sa lugar n’yo.

  • Pwede ring lumapit sa mga lokal na opisyal para magsumite ng petisyon.


10. Ang Tagal ng Dokumento!

Isang buwan na, wala pa rin ang passport mo? Birth certificate mo, sunod-sunod ang balik?

Tips:

  • May oras na itinakda sa Citizen’s Charter kung gaano katagal dapat ang proseso. Kung lumagpas dito, pwede kang magsumbong sa ARTA.

  • Ayon sa Zero-Contact Policy, bawal ang paulit-ulit na pakikipag-ugnayan kung kumpleto naman ang requirements mo.


Panghuling Paalala:

Oo, nakakainis. Pero hindi ibig sabihin na wala na tayong magagawa. Kung alam mo ang mga karapatan mo, at may lakas ng loob kang magsalita at mag-report, mas malaki ang chance na may magbago.

At higit sa lahat, tandaan: sa eleksyon nagsisimula ang tunay na pagbabago. Pumili ng mga lider na may malasakit, may integridad, at kayang ayusin ang bulok na sistema.

Ikaw, may kwento ka rin ba tungkol sa pakikitungo sa gobyerno? I-share mo sa comments! Baka makatulong pa sa iba.



Author: Atty. Pauline Licaycay





No comments yet, be the first to give your feedback!